Table lamp sa Cafe Leoj
Hinagod ng boses mo
ang apat na dingding
nitong bar na pinagkasya
ang mga mesitang
pinag-uumpukan
ng inyong parokyano.
Swabeng kumawala
ang bawat nota,
Walang sablay,
Hindi man lang sumabit
sa mga eskwaladong kanto,
Malamyos na gumiling
sa saliw ng acoustic na instrumento.
Pero ‘di mo alam,
Habang dumadaloy
ang bossa nova mong tinig
sa lumalalim na gabi,
nilulunod mo naman
sa siphayo ang kaluluwang
muling binubuo
ang nabasag na animo.
* kay Adelmo, na nag request ng kantang ‘Fixing a Broket Heart kay Sheena, lead vocalist ng live acoustic band sa CafĂ© Leoj isang Biyernes ng gabi.


No comments:
Post a Comment